ANG IBONG NAKAHAWLA
ni MAYA ANGELOU
Isang ibon ang umigpaw sa likod ng hangin
At nagpalutang pababa sa may ilog
Hanggang sa magwakas ang agos
At nagtawtaw ng kanyang mga pakpak sa kahel na silahis ng araw
At nangahas angkinin ang langit
Ngunit ang isang ibong nalilisik sa kanyang makitid na hawla
Ay bihirang makasilip sa mga rehas ng kanyang pagngingitngit
Mga pakpak niya'y pinutulan at mga paa'y tinalian
Kaya't siya'y nagbuka ng tuka upang makaawit
Ang ibong nakahawla'y umaawit
Nang may kasindak-sindak na tinig ng tungkol sa di-batid na mga bagay
Ngunit minimithi ang kapayapaan at ang kanyang himig ay naririnig sa malayong burol
Sapagkat ang ibong nakahawla'y umaawit ng kalayaan
Ang malayang ibon nama'y nag-iisip ng ibang simoy ng hangin malamyos sa mga punong nagbubuntong-hininga
Ng matatabang uod na naghihintay sa damuhang sinisinagan ng umaga
At ang langit ay itinuturing na kanyang sarili
Ngunit ang isang ibong nakahawla'y nakatayo sa puntod ng mga pangarap
Anino niya'y sumisigaw sa tili ng isang bangungot
Mga pakpak at paa niya'y tinalian, pinutulan, tinalian, pinutulan
Kaya't siya'y nagbuka ng tuka upang makaawit
Ang ibong nakahawla'y umaawit
Nang may kasindak-sindak na tinig ng tungkol sa di-batid na mga bagay
Ngunit minimithi ang kapayapaan at ang kanyang himig ay naririnig sa malayong burol
Sapagkat ang ibong nakahawla'y umaawit ng kalayaan
Comments
Post a Comment